Halalang Halo-Halo

By: Alecsandra Mediodia (All Rights Reserved, 2010)

Lumaki ako sa turo ng aking mga guro sa HeKaSi na ang Pilipinas ay isang demokratikong republika. Demokratiko, bilang isang bansang hawak ng masa ang kapalaran ng mga nais umupo at kasalukuyang umuupo sa pamahalaan, kung saan malayang naihahayag ng bawat isa ang damdamin at saloobin ukol sa pamayanang ginagalawan niya.

Natuwa naman ako nang matutuhan ang konsepto ng Demokrasya sa klase. May makikinig sa mga reklamo ko, sabi ko sa sarili. May gagawa ng paraan para sa dati’y akala kong malulubhang problema. May sasalo sa mga kapwang bata na nakikita kong namamalimos at ibang-iba sa mga batang nakapaligid sa mundong kinalakihan ko. Matatapos na ang mga problema ng lahat. Iyon ako, napaka-ideyalistiko. Walang muwang.

Nang matuto akong makinig at umintindi ng balita, nag-iba na ang pananaw ko sa pamahalaan, lalo na’t nang talakayin na ang mga ito sa klase at sa mga salu-salo sa bahay. Nang maging uso ang mga rally at impeachment complaints laban sa pangulo na laging ibinibida sa TV, namalayan ko ang masalimuot na mundo ng pulitika.Nang iharap na ako sa sari-saring writing seminar na bahagyang tumalakay sa totoong anyo ng pulitika, nag-iba ang kulay ng mundo. Mula sa simpleng pula, asul at dilaw, nadagdagan ng berde, kahel, at kung anu-ano pang kulay.

Hindi ko akalain na walang umiiral na fair and square sa pulitika. Walang puro. Lahat may halo.

Ang mga campaign jingle na kinatuwaan ko pa dati’t kinakanta ko pa habang naghuhugas ng pinggan, nagkaroon na ng ibang dating sa akin. Tinignan ko na sa ibang pananaw. Ang mga sikat na endorser, napapaisip na lang ako kung papano sinuhulan para suportahan nila ang kandidatong kinakampihan nila. Naging mapanlibak ako sa mga platapormang inilalahad nila.

Ang mga commercial na may kung anu-anong pakulong ipinapakita na dati’y ginagaya-gaya ko pa, ngayon, ginagaya ko pa rin, may kasama nga lang na pag-aalipusta. Ang akala ko dati na ang lahat ng pangako ay natutupad. Ngunit, sa pulitika, ang mga pangako, napapako lamang. Sa dalawang pambansang eleksyon na sinubaybayan ko, ang halos lahat ng matatamis na pangako ay naisulat lamang sa buhangin. Para bang niligawan ka, sinagot mo, at iiwanan ka na lamang sa ere sa mga panahon na higit mo siyang kinakailangan.

Sinabi sa mga sanaysay na dati kong nabasa, ang eleksyon ay panahon kung kailan binibigyan ng pagkakataon ang lahat na direktang makibahagi sa pamahalaan. Ito raw ang pinaka-akmang panahon upang maglabas ng saloobin, mamili ng kakatawan sa mga paniniwala at mungkahing nais iparating sa kinauukulan.

Pero, bakit ito naging isang oportunidad na palaguin ang mga negosyo’t taniman ng mga pulitiko at mga kamag-anak nito? Sa halip na gumawa sila ng paraan upang iahon ang lahat sa kahirapan, gumagawa na lamang sila ng mga paraan upang iahon ang sarili. Maghahain sila ng mga batas na panig sa kanila kung saan lalo lamang maghihirap ang mahirap at tuluyan na lamang makakalimutan ang mga middle class workers na siyang kumakayod at nagbabayad ng abot-langit na halaga ng buwis na mapupunta rin lamang sa mga nakaupo sa pamahalaan. Pinakamasaklap ay naniwala tayo sa mga bola nila na tutulungan tayong umahon. Sila lang pala.

Bukas daw sa kahit sinong mamamayang Pilipino na nasa legal na edad at handang manilbihan sa bansa at sa mga tao nito ang eleksyon. Subalit, bakit napapamukha na lamang ito bilang isang beauty contest kung saan ang maaaring sumali ay at least 4’11”, may hacienda, negosyo o dati’y napabilang sa industriya ng pelikula, at may kamag-anak na dati o kasalukuyang opisyal ng pamahalaan? Sa halip na malaya ang sinuman na makilahok, nagkakaroon ng restriksyon kaya ang iba, sumusuko na lamang, lumalabas ng bansa at doon maghahanapbuhay.

Isa na ring sugal ang eleksyon dito sa bansa, kasi sa industriyang ito, walang kasiguraduhan sa maaaring mangyari. Pwede kang manalo, pwede kang matalo. Pwede ka rin manalo at sa susunod na araw ay patalsikin ka na lamang sa puwesto. Parang blackjack lang. Hindi mo alam ang susunod na barahang lalabas maaring iyon ang maging winning card o kaya sanhi ng panibagong I.O.U sa dealer.

Di lamang iyon, dito sa Pilipinas, ang eleksyon ipinupusta di lamang ang pera kundi pati ang sariling buhay. Maaaring matalo ka dahil pinaslang ka na bago ianunsyo na ika’y panalo o kaya’y nanalo ka nga’t nakaupo na sa puwesto at mamamatay ka na lamang sa tindi ng stress.

Hindi ko napansin kung gaano kaseryoso ang laro ng eleksyon para sa ilang mamamayan kung hindi nangyari ang masaker sa Mindanao. Kahit pala ang mga inosente na nagsumikap upang maihatid ang katotohanan sa madla, nadadawit na sa kasakiman dala ng paghangad ng kapangyarihan. Di pala eksklusibo ang eleksyon kung paglupig ang pinag-uusapan.

Ayon sa mga dayuhang manunuri, umaangat ang pwesto ng Pilipinas sa listahan ng pinakamapanganib na bansa para sa mamamahayag at bilang bansang may pinakamadugong eleksyon. Kaya naman pala tayo nilalait ng mga pandayuhang sitcoms. At tayo pa ang nagagalit at nasasaktan sa kanila, tayo rin naman ang may kagagawan sa mga pandadayang ginagawa natin sa sarili.

Ito ba ang gusto nilang ipagmalaki sa atin mga kabataan? Parang nakakahiya naman. Marami namang listahan na pwede tayo maisali ngunit umaangat tayo sa mga listahang may negatibong epekto sa karatig-bansa.

Nakakalungkot isipin na ito ang kasalukuyang nangyayari sa bansa. Nabubulok dahil sa kasuwapangan. Ninanais ng lahat na umangat maging ito’y hahantong sa lalong pagkabaon ng nababaon, at pinakakayod ang dati pa’y nagsusumikap. Ito ba ang kinabukasan na naghihintay para sa amin, kabataan? Kinabukasang puno ng sakim at dilim.

Kung gayon man ang mangyayari, halos baliwala na ang pagmamalasakit na dinanas ng mga bayaning nagsakripisyo ng buhay para lamang mapalaya ang bansa kasi ikinukulong natin ang sarili sa mga sariling pagkakamali at pagmamalabis. Ano na ang nangyari sa kinakanta nating, Buhay ay langit sa piling mo? Sana hindi pang-uuyam sa sarili.

Papaano na ang mga tinuturo ng mga guro naming ukol sa Demokrasya at Republika? Baka kalaunan, maging isang teorya na lamang ito kung hindi natin tuluyang makalimutan ang totoong kahulugan nito.

Nangangahulugan ba na ang pinag-aaralan naming ay isa lamang panloloko sa sarili sapagkat ang inaasahan namin mula sa pag-aaral ay nabibigo lang sa mga kahidhirang nangyayari? Bakit pa ba tayo mag-aaral kung ganoon man lamang?

Sana hindi. Dahil nag-aaral kami upang maituwid ang kamalian. Dahil nagsusumikap kami na magdulot ng pagbabago. Na sa panahon na kami’y may hawak na ng kapalaran at kaunlaran ng bansa, mabawasan ang kadiliman na iniwan ang marami na patay. Darating ang panahon na mabibigyang hustisya ang konsepto ng Demokrasya. Hindi naman agad-agad ang pagbabago. Nagsisimula ang tagumpay sa maliliit na hakbang na gawa sa tamang paraan. Ito ang mga paraan na planado at may tuwirang layunin, hindi Chopseuy. Hindi Halo-halo.

*First place, Bertigo 2010; Category: Sanaysay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s